Lunes, Setyembre 5, 2022

KAHULUGAN AT MGA URI NG TAYUTAY (FIGURE OF SPEECH)

 

TAYUTAY

  • Salita o isang pahayag  na ginagamit upang bigyang diin ang isang kaisipan o damdamin at gumagamit ng talinghaga o di karaniwang salita sa paraan ng pagpapahayag
  •  Matatalinhagang pagpapahayag ang ibang katawagan sa tayutay na nagbibigay ng mabisang kahulugan upang higit na madaling maunawaan, maging mabisa at kaakit-akit ang katha, pasalita man o pasulat.
  • Ang tayutay ay isang sinasadyang paglayo sa karaniwang paggamit ng mga salita.
  • Webster Dictionary – ang tuyatay ay paggamit ng mga salita sa di karaniwang at literal na kahulugan upang maging kaakit-akit at malinaw ang estilo.
  •  Dr. Jose Villa Panganiban- ito ay isang sinasadyang paglayo sa karaniwang paggamit ng salita upang pasarapin ang pang-unawa at gawing lalong maharaya, mabisa at kaakit-akit ang pagpapahayag.

 

MGA URI NG TAYUTAY (FIGURE OF SPEECH)

1. Pagtutulad / Simili- di tiyak na paghahambing ng dalawang magkaibang bagay. Ginagamitan ng mga salita o pariralang; tulad ng, parang, paris ng, kawangis ng, animo, mistula, tila, sing, sim, magkasing, magkasim atbp.

Halimbawa: Ng dumating ang kanilang guro, tila may isang anghel na bumaba sa langit sa sobrang tahimik ng kanyang mga kamag-aral.

2. Pagwawangis / Metapor- tiyak na paghahambing ngunit hindi na ginagamitan ng pangatnig. Nagpapahayag ito ng paghahambing na nakalapat sa mga pangalan, gawain, tawag o katangian ng bagay na inihahambing.

Halimbawa: Hindi mapagalitan nina Aling Lidia ang kanilang anak sapagkat kung ituring nila ito ay isang papaya na kakaunting salita lamang ay nasasaktan na.

3. Pagsasatao- ginagamit upang bigyang buhay, pagtaglayin ng mga katangiang pantao-talino, gawi, kilos, ang mga bagay na walang buhay sa papamagitan ng mga pananalitang nagsasaad ng kilos tulad ng pandiwa, pandiwari at pangngalang-diwa.

Halimbawa: Sa wakas nadiligan na ng langit ang mga halaman na malapit ng humimlay sa labis na init ng araw.

4. Pagtawag- tuwirang pagtawag o pakikipag-usap sa isang di kaharap o panawagan sa isang bagay na bagama’t wala ay ipinapalagay na naroon at nakakaunawa.

HalimbawaO hangin, pagod ko’y tangayin sa buong araw na pagtatanim

5. Pagmamalabis- lagpas-lagpasang pagpapasidhi ng kalabisan o kakulangan sa isang tao, bagay, pangyayari, kaisipan, damdamin at iba pang katangian, kalagayan at katayuan.

Halimbawa: Aakyatin ko ang mga bundok, lalanguyin ko ang mga karagatan, susungkitin ko ang buwan at mga bituin makuha ka lamang

6. Paghihimig- isinasagawa sa pamamagitan ng mga tunog o himig ng mga bagay na pinagmulan nito. Ang mga tunong na ito ang kumakatawan sa kahulugan.

Halimbawa: Umaalingawngaw ang halinghing ng bagong panganak na sanggol sa buong kabahayan.

7. Pagpapalit-saklaw / Sinekdoke- ito ay paggamit ng bahagi ng katawan sa halip na kabuuan.

Halimbawa: Hiningi na ni Mark kina Mr. at Mrs. Ramos ang kamay ng kanilang anak.

8. Pagpapalit-tawag / Metonimya- ito ay pansamantalang pagpapalit ngalan o pagbibigay ng ibang katawagan ng mga bagay na magkakaugnay. Nangangahulugang may kaugnay sa pinalitan.

Halimbawa: Nagdi-dildil siya ng asin sa hirap ng buhay na kanyang dinaranas.

9. Tanong Retorika- ginagamit upang tanggapin o di- tanggapin ang isang bagay. Ang pagpapahayag na ito ay hindi naghihintay ng sagot.

Halimbawa: May ina kayang nagtakwil at natitiis ang kanyang mga anak.

10. Pagsalungat / Oksimoron- ito ay paggamit ng mga salitang magkasalungat na salita o pahayag na nagsasalungatan.

Halimbawa: Namatay ang ating mga bayani upang mabuhay at pagsilbihan ang bayan.

11. Pag-uulit- ito ay paraan ng paggamit ng magkakatulad na mga unang titik o pantig sa dalawa o higit pang mga salitang magkakasundo.

Halimbawa: Liligid, lilimo’t lulunurin ang lungkot sa mundong puno ng sakit at pighati.

12.Balintunay / Paradoks- ang pagpapahayag ng ganito ay parang pumupuri ngunit kung unawaing mabuti ay pangungutya. Karaniwan, kapagpasalita ay nararamdaman sa diin ng pananalita at ekspresyon ng mukha. Ito ay biro, kantiyaw, nanlilibak o nanunuligsa. Katumbas ng salawikain o sawikain, nagbibigay aral at puno ng aral

Halimbawa: Kapag aalis si Tes ay maraming palamuti sa katawan lalong-lalo na sa kanyang mukhang sinabuyan ng harina sa kaputian.

13. Paglumanay / Eupemismo- ang orihinal na katawagan ay pinagagaan sa kahulugan, sa pagpapalit ng ibang katawagan. Ginagawa ang pagpapalit ng katawagan upang di maging mabigat sa pandinig o damdamin ng iba ang sitwasyon

Halimbawa: Naiba ang tabas ng mukha niya noong magkaroon ng trabaho ang kanyang Mister sa ibang bansa.